Hindi man lamang ipinagtanggol ni Vice President Sara Duterte ang hinihinging P2.037 bilyong badyet ng Office of the Vice President para sa susunod na taon dahilan kaya hindi nakumbinsi ang mga kongresista na huwag itong bawasan.
Unanimous ang naging desisyon ng Committee on Appropriations ng Kamara de Representantes na ibaba sa P733 milyon ang panukalang badyet ng OVP mula sa hinihingi nitong P2.037 bilyon. Ang tinapyas na P1.29 bilyon ay ililipat sa mga ahensya na siya ng magpapatupad ng mga programa ng OVP.
Ayon kay Appropriations Senior Vice Chairperson at Marikina City Rep. Stella Quimbo, napakahalaga ng mga impormasyon na maibibigay ng mga ahensya upang mabigyang katwiran ang kanilang hinihinging pondo.
Sa pagdinig ng komite ay tumanggi si VP Duterte na ipaliwanag ang ginawa nitong paggastos sa inilaang pondo sa mga nagdaang taon at hindi rin binigyang katwiran ang hinihingi nitong mas malaking pondo para sa 2025.
Nang tanungin kung ang pagtanggi ni VP Duterte na sagutin ang mga tanong sa pagdinig ng komite ang nagtulak sa pagbabawas sa panukalang badyet ng tanggapan nito, sinabi ni Quimbo na siya at ang kanyang mga kasama sa panel ay ginawa lamang ang kanilang trabaho.
Tungkol naman sa posibilidad na magbago ang desisyon ng komite o plenaryo sakaling dumalo ang Bise Presidente sa pagtalakay ng panukalang badyet sa plenaryo, sinabi ni Quimbo, “Tingnan po natin. I mean we are open to anything. As I said, there’s another round of amendments (in plenary).”
Binigyan diin pa ni Quimbo na hindi madaling desisyon na irekomenda ng komite ang ginawang pagtapyas sa malaking bahagi ng bagdet ng OVP.
Sinabi ni Quimbo na binawasan ang mga pondo ng mga programa at proyekto ng OVP na sinita ng Commission on Audit dahil sa hindi magandang implementasyon.
Sinabi niya na napag-alaman ng komite at ng CoA na ang social programs ng OVP, tulad ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mahihirap, ay kapareho ng programa para sa social protection na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).
Sinasabi rin niya na isa rin sa naging usapin ang tamang paggamit sa pondong inilaan sa tanggapan.
Inilipat ng appropriations committee ang buong halagang P947-milyon na financial assistance” fund at iba pang ibinawas na budget ng OVP sa programa ng Assistance of Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa medical assistance program ng Department of Health (DoH).