-- Advertisements --

Inaabangan na ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang batas na magbubuwag sa Road Board.

Magugunitang Pebrero 8 pa nang maipadala ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) sa Malacañang ang nasabing panukalang batas para aprubahan ni Pangulong Duterte.

Nakatakda itong mag-lapse into law kung hindi aaksyunan ni Pangulong Duterte ngayong unang linggo ng Marso.

Tiniyak naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na pipirmahan ni Pangulong Duterte ang nasabing batas dahil siya mismo ang nag-utos nito.

Tinatayang umaabot sa P12 billion ang nakokolekta ng Road Board mula sa road user’s tax kada taon.

Una ng inihayag ni Pangulong Duterte na nais niyang mabuwag ang board para hindi na magamit ang pondo sa korupsyon.