-- Advertisements --

Naghain si Senador Sherwin Gatchalian ng panukalang batas na layong amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na naisabatas 57 taon na ang nakalipas.

Ito ay upang tugunan ang mga bago at nagpapatuloy na mga hamong kinakaharap ng mga public school teachers.

Maraming panukalang pagbabago ang nilalaman ng ‘Revised Magna Carta for Public School Teachers’ (Senate Bill No. 2493) upang matiyak na naitataguyod, nabibigyan ng proteksyon, at nirerespeto ang karapatan at kapakanan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.

Kabilang sa mga isinusulong na mga pagbabago ang mga sumusunod: ang pagbibigay ng calamity leave, mga educational benefits, at longevity pay; mga kondisyon sa pagbibigay ng special hardship allowance; mas maayos na criteria pagdating sa sahod; proteksyon ng mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses; at iba pa.

Iminumungkahi rin ng Senador na ipantay ang mga sahod, benepisyo, at work condition ng mga probationary teachers sa entry-level teachers.

Kung maisabatas ang naturang panukala, bubuo ang DepEd ng Code of Ethics para sa mga guro sa pampublikong paaralan. Ipagbabawal din ng panukalang batas ang anumang anyo ng diskriminasyon at itataguyod ang gender equality.