-- Advertisements --

Niratipikahan na sa Senado ang pinal na bersyon ng panukalang batas na naglalayong magbigay ng libreng medical education sa Pilipinas.

Layunin ng reconciled version ng Senate Bill No. 1520 at House Bill No. 6756 na kilala rin bilang “Doktor Para sa Bayan Act” na suportahan ang pag-aaral ng mga mahihirap pero kwalipikadong mag-aaral na nais kumuha ng medical education.

Sa kanyang manifestation sa Senado, sinabi ni Sen. Joel Villanueva na malaking tulong ito upang gumanda ang healthcare system ng bansa.

“The coronavirus pandemic has only exposed and exacerbated the Achilles’ heel of our healthcare system: the shrinking supply of Filipino medical doctors. Imagine, we only have 3 doctors per 10,000 population, far from the ideal ratio of 10 doctors per 10,000 population,” wika ni Villanueva na siyang sponsor ng panukala.

Para ma-qualify sa scholarship, dapat ay natural-born o naturalized Filipino citizen na nakatira sa Pilipinas ang aplikante.

Kinakailangan din ng mag-aaral na makapasa sa National Medical Admission Test at entrance exam na kinakailangan ng medical school.

Gagawing prayoridad ang mga aplikante mula sa mga bayan na walang government physicians para siguruhing may isang doktor sa bawat bayan sa bansa.

Matapos gumraduate at makapasa sa licensure examinations para sa mga physicians, obligado ang scholar na sundin ang mandatory return service agreement sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa kanyang pinanggalingang bayan o sa isang lugar na tinukoy ng Department of Health bilang isang priority area.

Una nang sinabi ni Villanueva na kinakailangan ng bansa ng 80,000 karagdagang doktor para masunod ang ideal doctor-to-population ratio na 10:10,000.