Isinusulong sa Senado ang panukalang batas na layong mapababa ang edad ng senior citizens sa bansa sa 56 taong gulang mula sa kasalukuyang 60 upang magamit ng mga ito ng mas maaga ang kanilang mga benepisyo.
Paliwanag ni Senator Ramon Revilla na siyang may-akda ng Senate Bill No. 1573 na madami ang mga hindi pinalad na umabot sa edad na sisenta lalo na sa panahon ngayon na nagkaroon ng pandemiya kayat marapat aniya na bigyang halaga ang ating nakakatandang populasyon sa pamamagitan ng pagpapaabot ng benepisyo.
Ibinahagi ng mambabatas ang December 2022 data ng DOH kung saan nasa 7.33% ng covid-19 cases sa mga Pilipinong senior citizens ay nagresulta sa kamatayan kumpara sa 0.765 mortality sa mga edad 18 hanggang 59 taong gulang.
Aamyendahan naman ng inihaing Senate Bill ang Republic Act No. 7432 kung saan itinuturing na senior citizens ang isang Filipino residente na tumuntong na sa edad na 60 taong gulang.
Sa oras na maisabatas ito, ang lahat ng Filipino citizens na ansa edad 56 taong gulang ay ituturing ng senior citizens at entitled na makatanggap ng iba’t ibang benepisyo.
Sa ilalim kasi ng umiiral na batas, ang mga senior citizens sa bansa ay nakakatanggap ng 20% na diskwento at Vat-exemption sa mga gamot, medical supplies, pamasahe, sa mga hotel at restuarants at iba pa.
Entitled din ang mga senior citizens na magkaroon ng income tax exemption para sa minimum wage earners, 5% discount sa buwanang bill ng kuryente at tubig at entiled na gumamit ng express lanes sa mga government at commercial establishments.