-- Advertisements --

Inihain ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Rep. Margarita “Migs” Nograles ang isang panukalang batas na naglalayong palawigin ang Republic Act (RA) 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act upang maisama ang mga kalalakihan na nakakaranas ng domestic abuse.

Maliban pa sa mga battered husbands, ang panukala ng baguhang mambabatas ay magbibigay din ng proteksyon para sa mga miyembro ng LGBTQ+ community na mga biktima rin ng domestic abuse at maltreatment.

Kapag maisabatas ito ay tatawaging Domestic Violence Act of 2022.

Sa inihaing House Bill 1365, giit ng mambabatas na ang domestic abuse ay hindi lamang problema sa mga kababaihan at mga bata dahil marami din aiyang mga kaso kung saan ang mga biktima ay kalalakihan gaya ng asawang lalaki o gay partners.

Nais ng mambabatas na mawakasan na ang diskriminasyon at domestic abuse at magkaroon ng mas inclusive na lipunan kung saan lahat ng indibidwal ay malaya at pantay-pantay.

Giit din ng mambabatas na napakahalaga na ang batas laban sa domestic violence ay nakadesinyo para maprotektahan ang interes at welfare ng lahat anuman ang kasarian o gender preference ng isang indibidwal.

Top