-- Advertisements --

Isinusulong ni dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang House Bill 488, na layong palakasin ang “political party system” sa bansa at patawan ng parusa sa mga “balimbing” sa politika.

Si CGMA ang kasalukuyang tumatayo bilang House Senior Deputy Speaker ng 19th Congress.

Sa explanatory note ng panukalang “Political Party Act,” ipinaliwanag ni Arroyo na mismong kasaysayan na ang nagsasabi na ang political parties sa bansa ay nagagamit bilang “political vehicles” para manalo sa eleksyon.

Kaya may mga aspirante na lumipat ng partido “for convenience” kaysa sa bigyang-bigat ang sariling paniniwala.

Ipinapakita rin aniya ng ilang mga politiko na palipat-lipat ng partido-politikal na sila ay walang “ideological commitment.”

Giit ni Rep. Arroyo, ang “turncoatism” ay hindi dapat ine-encourage o kaya’y hinayaan na lamang dahil sinisira nito ang konsepto ng “word of honor” at dignidad ng isang tunay na lider.

Sa ilalim ng House Bill ni Arroyo, panahon nang magkaroon ng batas upang maging “loyal” ang mga politiko sa kanilang partido, at para maiwasan na ang sistema ng “ward politics” at “political chameleons” na mayroon sa ngayon.

Kapag naging ganap na batas, ang mga balimbing ay otomatikong aalisin sa kanyang “elective office” o napanalunang posisyon kapag siya ay lumipat o lilipat ng partido isang taon matapos o bago ang eleksyon.

Pagbabawalan ding tumakbo ang politiko sa anumang posisyon sa paparating na halalan, maliban pa sa pagbabawalan na maitalaga sa anumang pwesto sa loob ng tatlong taon.

Dagdag sa panukala, ang political turncoat ay hindi maaaring humawak ng posisyon sa lilipatang partido, habang kailangan niyang ibalik ang lahat ng ginastos o ibinigay sa kanya ng partidong iniwan niya kasama ang nasa 25% na surcharge.