-- Advertisements --

Isinusulong sa Kamara ang isang panukalang batas na layong pangalagaan ang mga biktima ng krimen, aksidente, gayundin ang mga nagpapatiwakal o suicide na walang pahintulot na paglalantad sa media ng kanilang pagkakakilanlan o larawan.

Inihain ni Camiguin Representative Jurdin Jesus Romualdo ang house bill 10277 o “Victims’ Privacy Protection Act” na hindi maaring isapubliko ang pagkakakilanlan, larawan o video ng biktima ng krimen o nagpatiwakal nang walang permiso ng pamilya ng biktima.

Ito ay bilang proteksyon ng biktima at kaniyang pamilya lalo’t madali nang maibahagi ang mga detalye at larawan sa social media, na nagdudulot ng privacy concern lalo na sa mga taong nasa sensitibong sitwasyon.  

Ayon sa mambabatas ang pagkalat ng detalye, larawan at video sa digital media nang walang pahintulot sa pamilya ay hindi lamang lumalabag sa privacy at dignidad ng mga indibidwal na nasa larawan kundi maaari rin itong magdulot ng stress sa kanilang mga pamilya.

Layon ng panukala  na maibalanse ang karapatan sa impormasyon at kalayaan ng pananalita kasama ang karapatan sa privacy, na tiyaking ang dangal ng mga biktima at pagpapahalaga sa kanilang pamilya. 

Idinagdag ni Romualdo na ang Republic Act No. 10173, o ang Data Privacy Act ng 2012, ay nagtatakda ng mga pamantayan para sa pagprotekta ng personal na impormasyon, at ang kanyang panukalang batas ay “nagpapalakas ng mga pamantayan sa pamamagitan ng pagtugon sa paglabag sa privacy.

Binigyang-diin pa ni Romualdo na ang panukalang batas ay nagbibigay ng malinaw na legal na proteksyon sa mga biktima.

Ang panukalang batas ay nagtatakda ng parusa ng pagkakakulong na tatlong taon hanggang pitong taon, o multa na P100,000 hanggang P500,000, o parehong parusa batay sa pasiya ng hukuman, sa sinumang lalabag sa inilahad na Victims’ Privacy Protection Act.