-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Tiniyak ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na hindi pa tuluyang nagtatapos ang usapin kagunay sa pagtangal bilang required subjects ang Filipino at Panitikan sa Kolehiyo.

Ito ang iginiit sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan kay ACT Partylist Rep. Antonio Tinio, kaugnay sa nasabing usapin.

Bagama’t ibinaba lamang sa Senior High School ang naturang mga asignatura, siniguro ni Tinio na bumubuo sila ngayon ng panukalang batas upang maibalik ito sa kolehiyo.

Dagdag pa ni Tinio, kung mayroong isang paraan upang mas lalong maipabatid ang pagmamahal sa sariling bansa ito ay sa pamamagitan ng pagtuturo sa pagpapahalaga sa sariling wika sa halip na ang pagbabalik ng Reserve Officers Training Corps (ROTC).

Una rito, pinagtibay na ng Korte Suprema sa pamamagitan ng ipinalabas nilang pinal na limang pahinang resolusyon na pumapabor sa memorandum order No. 20 ng Commission on Higher Education (CHEd) na ibaba sa 36 units ang general education (GE) curriculum at tanggalin na ang Filipino at Panitikan.

Ayon sa SC, walang bagong inihain na pleadings ang mga petitioner upang mabaligtad ang naunang desisyon.