Itinuturing patay na ang kontrobersyal na UP Security Bill, o House bill (HB) 10171 na magbabawal sa pulis at militar sa loob ng University of the Philippines.
Ito ang inihayag ni Cavite 7th District Rep. Jesus Crispin “Boying” Remulla, Senior Deputy Majority Leader of the Committee on Rules, sa lingguhang press conference ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon kay Remulla, hindi na uusad ang hakbang matapos ang unanimous approval sa plenaryo ng kanyang inihain “motion for reconsoderation” sa naturang panukala noong Setyembre 30.
Paliwanag ni Remulla, dahil dito, babalik sa Committee on Rules ang panukala, at sila ang magdedesisyon kung mabubuhay pa ang hakbang.
Binunyag ni Remulla na isiningit ng Makabayan bloc ang naturang panukala noong kasagsagan ng budgetary process kung kailan abala ang mga mambabatas sa kani-kanilang mga distrito, kaya ito muntik makalusot.
Giit ni Remulla, kalokohan ang naturang panukala dahil nilalabag nito ang “equal protection law”, at pabor lang ito sa mga kapanalig ng Makabayan bloc.
Ikinatuwa naman ni National Security Adviser at NTF-ELCAC Vice-Chairman Hermogenes Esperon Jr. sa ginawang hakbang ng mambabatas na harangin ang panukalang UP-Security Bill.