-- Advertisements --
image 318

Pasado na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong palakasin at muling pasiglahin ang industriya ng pagaasin sa bansa.

Bumoto ng pabor ang lahat ng 22 Senador sa Senate Bill NO. 2243 o ang Philippine Salt Industry Development Act.

Pinasalamatan naman ni Senator Cynthia Villar, ang principal sponsor ng panukalang batas at chairperson ng Senate Committee on Agriculture , Food at Agrarian Reform, ang kaniyang mga kapwa Senador sa pagsuporta sa panukala.

Sa ilalim ng panukalang batas, nakasaad na mayroong pangangailangan na bumuo ng isang salt roadmap kabilang ang mga pograma, proyekto at interventions para sa pag-unlad, pamamahala, pananaliksik, modernisasyon at commercialization ng asin sa bansa.

Layunin ng panukala na bumuo din ng isang Philippine Salt Industry Development Council na naatasang tiyakin ang implementasyon ng salt roadmap.

Naatasan rin ang Department of Environment and Natural Resources, attached agency nito na National Mapping and Resource Information Authority, gayundin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na tukuyin at magtalaga ng public lands kabilang ang bahagi ng municipal waters bilang salt production areas.