Mariing inihayag ni dating chief justice Maria Lourdes Sereno ang kanyang matinding pagtutol sa panukalang batas na Adolescent Pregnancy Prevention Bill na magtuturo ng Comprehensive Sexuality Education sa mga kabataan.
Ibinahagi mismo ng dating punong mahistrado na ang ganitong uri ng edukasyon o pagtuturo sa loob ng paaralan ay magdudulot lamang ng maraming epekto hindi lamang sa mga matuturuan kundi pati na rin sa lipunan.
Ayon sa kanya, masyado umano kasing rights-based ang naturang programa na mag-eexpose sa isang bata ng maagang pagkamulat sa posibleng pagkuwestiyon nito sa paniniwala ng isang pamilya.
Dagdag pa rito, nabanggit din ng naturang dating chief justice na inaalala nito ang pagbibigay ng kamalayan sa bata na magdesisyon kung kalian, kanino at kung papaano nito nais magsagawa ng isang sexual activity.
‘Right din niya to decide when, with whom and how to have sexual activities. At dahil rights-based siya, ituturo yan sa mga bata how to be critical and to question the values, the attitudes of the family and the society,’ ani Former Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Dahil dito, binigyang diin ni dating punong mahistrado Maria Lourdes Sereno ang posibilidad sa pagkakaroon ng pagbabago sa magiging sitwasyon o ng relasyon sa pagitan ng magulang at kanilang mga anak.
Pinangangambahan niya kasi na baka umano magkaroon din ng hindi pagkakaunawaan sa inaasahang pagtatanim ng ugaling hindi kanais-nais ng isang bata sa kanyang pamilya kapag ipinagpatuloy pa ang panukalang batas na ito.