-- Advertisements --

Itinulak ni Senador Richard Gordon ang pagpasa sa panukalang nag-uutos sa mga law enforcers na magbigay ng accurate na pag-uulat ng mga pagkamatay at pagkakasakit ng mga persons deprived of liberty (PDLs) at mga detained children in conflict with the law (CICL).

Si Gordon, ang chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights ay naghain ng Senate Bill No. 1771 or the proposed “Death in Custody Reporting” bill kaugnay sa pagkamatay ni Jonel Nuezca, isang high-profile inmate noong nakaraang linggo.

Sinabi ng mambabatas na ang late reporting ng mga pagkamatay na ito, kahina-hinalang mga pangyayari sa pagkamatay at ang pagkakakilanlan ng mga high-profile na mga bilanggo ay ikinagulat ng bansa.

Marami rin ang tanong tungkol sa katotohanan at ang pagkamatay ng mga bilanggo ay kinuwestiyon.

Ayon kay Gordon, karapatan ng mamamayang Pilipino na malaman kung ano talaga ang nangyari sa mga presong ito lalo pa’t nadama ng mga tao na dinaya.

Dinaya ang hustisya at hindi niya ito hahayaang mangyari ulit.

Kung maalala, kabilang sa mga naiulat na namatay ay si Jaybee Sebastian, na naging pangunahing saksi sa mga kasong iligal na droga na isinampa ng gobyerno laban kay Sen. Leila de Lima.

Sa ilalim ng panukalang batas, hinahangad ni Gordon ang buwanang paghahain ng mga ulat ng mga PDL o CICL na nahatulan ng karumal-dumal na krimen o mga krimen na mapaparusahan ng reclusion perpetua sa Departments of Justice (DOJ), Interior and Local Government (DILG) at Social Welfare and Development ( DSWD), ang Korte Suprema; at ang Commission on Human Rights (CHR).

Ang panukalang batas ay naghahanap din ng automatic motu propio investigation ng National Bureau of Investigation (NBI) sakaling ang pagkamatay ng isang PDL o CICL ay dahil sa misteryosong mga pangyayari.

Sinabi ni Gordon na ang mga awtoridad na mabibigong mag-ulat ay mahaharap sa anim hanggang 12 taong pagkakakulong, bukod pa sa multang mula P500,000 hanggang P1-milyon.