-- Advertisements --

Isinusulong sa Senado ang panukalang batas na nagbabawal sa online gambling gaya ng e-sabong at offshore gaming.

Ito ang Senate Bill 1281 o ang proposed Anti-Online Gambling Act na inihain ni Senate Majority Leader Joel Villanueva.

Ayon kay Villanueva na ang consequences ng gambling at online gambling ay masyadong malala para ipagsawalang bahala dahil hindi na lamang pagkalustay ng pera ang naidudulot nitong masama kundi maging sa values at buhay ng isang tao.

Inihalimbawa nito ang kaso ng isang 19-anyos na estudyante sa Davao de Oro na naaresto noong Oktubre ng nakalipas na taon matapos na hindi ito makapagbayad ng mahigit kalahating milyon na bet money para sa online cockfighting o e-sabong.

May ilang insidente din na nagpapakita ng malaking social cost ng gambling o sugal gaya ng pagkalugi, pagkakwatak-watak ng mga pamilya at criminal activities.

Binanggit din ng majority leader sa kaniyang explanatory note ang highlights ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development sa 18th Congress kung saan nadiskubre ang paglawak ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa na nagresulta sa pagtaas ng kriminalidad kabilang ang prostitusyon at pagtaas ng banta ng money laundering at iba pa.

Sa ilalim ng naturang panukalang batas, sinumang tao na maglalagay, tumanggap, o magpapadala ng taya sa anumang paraan na may kinalaman sa paggamit ng internet ay dapat parusahan ng pagkakulong mula isa hanggang anim na buwan o multa mula P100,000 hanggang P500,000 depende sa pagpapasya ng korte.

Kung ang violator ay isang public officer o empleyado na nagaalok at kasabwat sa promosyon ng online gambling, haharap ito sa maximum penalty para sa paglabag at masisibak mula sa serbisyo at habmbuhay na diskwalipika na tumakbo para sa anumang public office.

Sa ilalim din ng Section 5 ng panukalang batas, pinapawalang-bisa ang kapangyarihan para sa pag-rgulate ng online gambling.

Una ng nanawagan ang ilang mambabatas sa Pangulong Bongbong Marcos na tuluyan ng i-ban ang POGO sa bansa sa gitna ng ilang reports kaugnay sa kidnappings at abductions sa bansa.