-- Advertisements --

Isinusulong ng mga Quad Comm leaders ang panukalang batas na nagkakansela sa mga birth certificates na iligal na nakuha ng mga banyaga dito sa bansa.

Kaninang umaga inihain ang House Bill 1107 o ang “Fraudulent Birth Certificate Cancellation Law” na pinangunahan ni Quad Comm lead chairman Rep. Robert Ace Barbers.

Ang nasabing panukala ay resulta sa isinagawang imbestigasyon ng quad comm na nag-iimbestiga sa EJK, illegal drugs, iligal na operasyon ng POGO, at paglabag sa karapatang pantao.

Batay sa explanatory note sa nasabing panukala na ang birth certificate ay siyang pinaka mahalagang dokumento ng isang Filipino citizen.

Ang nasabing hakbang ng mga mambabatas ay bunsod ng mga naging rebelasyon sa komite na libu-libong mga foreign nationals ang nakakuha ng birth certificate sa bansa sa iligal na paraan.

Naniniwala ang mga Kongresista na may mga opisyal ng gobyerno ang sangkot sa nasabing scheme.

Ayon kay Barbers, ang nasabing panukalang batas ay magkakaroon ng mabigat na kaparusahan duon mga government employee na tulong sa pagbibigay ng dokumento.

Sinabi ni Barbers na posibleng may malaking pera ang sangkot para mabigyan ng birth certificates ang mga banyagang mga Chinese.