Nababahala ngayon ang grupo ng mangingisda sa isinusulong ngayon na panukalang batas na naglalayong maglagay ng marine protected areas sa may West Philippine Sea partikular na sa 3 nautical miles ng baselines sa palibot ng Kalayaan Group of Islands at Panatag Shoal (Scarborough).
Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), bagamat kinikilala nila ang magandang hangarin ng House Bill No. 6373 na inihain ni Palawan 3rd District Representative Edward Hagedorn para maprotektahan ang major features sa WPS mula sa mapanirang fishing practices, nababahala sila na madamay at maapektuhan naman dito lalo na ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda na pumapalaot sa lugar dahil ang proposed marine protected areas ay pasok sa loob ng municipal waters.
Liban pa dito ay hindi rin aniya mapipigilan nito ang mga Chinese vessels na nanamantala sa territorial waters ng ating bansa.
Nangako ang grupo na kanilang susubaybayan ang development ng naturang panukala na posibleng magresulta ng restriksyon sa mga mangingisdang Pilipino mula sa kanilang traditional fishing grounds habang bigo naman itong mapigilan ang China at iba pang foreign fleets mula sa pagsasagawa ng malawakang pangingisda at iba pang mapanirang mga aktibidad sa municipal waters ng Pilipinas.
Ipinunto pa ng grupo na ang naturang panukala ay hindi kailangan kung pagtitibayin ng Marcos administration ang arbitral ruling na kumikilala sa exclusive economic zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea.