Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nagpapahintulot sa online voter registration at expanded voting mechanisms para sa Filipino overseas voters.
Ito ay ang House Bill 10178 o Overseas Electronic Registration and Voting Act na nagpapalawig pa sa pagpapatala at paraan ng pagboto ng mga botanteng OFWs at Overseas Filipinos (OFs) para mas mapadali at mahikayat ang mga ito na i-exercise ang kanilang karapatang bumoto.
Sa sponsorship ng pangunahing may-akda ng naturang panukalang batas na si OFW party-list Rep. Marissa Magsino, sinabi ng mambabatas na kadalasang mababa ang voter turnout sa mga botanteng Pilipino sa ibang bansa dahil sa layo ng kanilang pinagtratrabahuan mula sa embahada kung saan sila nakarehistro at bumuboto gayundin ang mga Pilipinong sefarers na palipat-lipat ang lokasyon ng kanilang trabaho.
Base sa records ng Commission on Elections, mayroong 1.6 million rehistradong overseas Filipino voters ang bumoto noong 2022 national at local elections.
Subalit tanging 600,000 lamang o katumbas ng 35.5% ng kabuuang overseas voters ang bumoto.
Una na ring sinabi ng poll body na target nitong magimplementa ng online voting para sa overseas Filipinos para sa 2025 midterm elections.