Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na naglalayong palakasin pa ang umiiral nang Anti-Money Laundering Act (AMLA).
Sa Republic Act No. 11521 na pinirmahan ni Pangulong Duterte ngayong Biyernes, sinabing importante ito upang mapangalagaan ang integridad at confidentiality ng mga bank accounts at maiwasan ang money laundering sa buong bansa.
Saklaw sa batas ang pagsama na rin sa mga real estate developers at brokers, offshore gaming operators maging ang kanilang service providers na maaaring sakupin ng AMLA.
Applicable na rin ito sa mga transaksyon na lampas P500,000 sa isang banking day, pati na rin ang mga casino cash transactions na lagpas sa P5-milyon.
May mga binago rin sa batas tungkol sa tax crimes na hahawakan ng AMLA at ang proposed treshold ng mga ito.
Dinagdagan din ng kapangyarihan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) para imbestigahan ang mga maituturing na “suspicious transactions.”
Mayroon ding idinagdag na probisyon tungkol sa information security and confidentiality, at sa incentive system and rewards.
Inatasan na rin ang AMLC na bumalangkas ng implementing rules and regulations ng batas sa loob ng 90 araw matapos ang effectivity date ng nasabing batas.