-- Advertisements --

Isinusulong ni Sorsogon Rep. Bernadette “Dette” Escudero ang Personal Economic Relief Allowance (PERA) ng mga government employees.

Binigyang-diin ni Escudero sa kanyang House Bill 2404, inilunsad ang PERA noong 1990’s bilang isang emergency allowance bunsod ng pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa kaguluhan sa Middle East.

Ngunit sa panahon ngayon, maituturing na aniya itong economic relief para sa mga empleyado bunsod ng pagtaas ng pamasahe at basic commodities.

Sa sandaling maging ganap na batas, mula sa kasalukuyang P2000 na PERA ay dodoblehin ito para maging P4000 kada buwan.

Bukod dito, ipinapanukala rin na magkaroon ng mekanismo para sa automatic adjustment kada taon na katumbas ng halaga ng annual inflation rate.

Sakop nito ang lahat ng civilian government personnel sa national o local government, appointive o elective at anuman ang status of employment.

Kasama dito ang mga military at uniformed personnel.

Hindi naman kasama dito ang mga nakadestino bilang overseas personnel na tumatanggap na ng overseas allowances.

Ang Dept of Budget and Management (DBM) ang naatasan na bumuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para dito.