-- Advertisements --

Isinusulong ni Davao City 1st District Representative Paolo Duterte ang panukalang batas na gawing fixed ang sahod ng mga barangay officials at gawin silang mga regular government employees.

Paliwanag ni Cong. Duterte, ang barangay kasi ang unang opisina na puntahan ng mga tao na siyang tutugon sa ibat ibang isyus bukod pa sa kanilang regular duties and responsibilities.

Sinabi ni Duterte na bilang pangunahing political unit, ang barangay ang nagsisilbing primary planning at implementing unit ng mga proyekto, programa at patakaran ng gobyerno.

Kaya para sa mambabatas, panahon na para ang mga barangay officials ay bigyan ng karampatang benepisyo at kilalanin ang kanilang mahalagang role sa pagtupad sa mga aktibidad ng gobyerno sa mga komunidad.

Ang House Bill No. 502 ay naglalayon na magbigay ng fixed salary para sa mga barangay officials at i-declare sila bilang mga regular government employees ng sa gayon matanggap ng mga ito ang kaukulang compensation at iba pang benefits na ibinibigay sa isang government employee gaya ng Government Service Insurance System, Philhealth at Pag-Ibig Fund benefits.

Ang barangay chairman at mga miyembro ng barangay council ay tumatanggap ng kabayaran sa pamamagitan lamang ng honorarium at hindi isang fixed salary.

Ayon pa kay Rep. Duterte, sa katunayan, karamihan sa mga pagsisikap ng gobyerno ay nangangailangan ng interbensyon at suporta ng barangay dahil sila ang pinakamalapit na anyo ng pamahalaan sa mga tao.

Isa sa mga co-authors ng nasabing panukalang batas ay si Benguet Rep. Eric Yap.