Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang kapulungan ng Kongreso ang House Bill No. 10158 o ang panukalang batas para sa pagbuo ng isang konseho na mamamahala at mangangalaga sa waters at fishery resources ng makasaysayang Manila Bay.
Nasa 185 na mambabatas ang bumoto ng pabor sa panukalang batas, 3 ang tumutol habang wala naman ang nag-abstain.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, magsisilbi ang Manila Bay Aquatic Resources Management Council bilang natatanging awtoridad para mangasiwa at mag-kontrol sa Manila Bay. Sisiguraduhin din nito na magiging maayos ang lahat ng plano, programa at inisyatibo para pangalagaan ang Manila Bay resources.
Samantala, kabilang sa bubuuing konseho ang mga kalihim ng DA, DENR, DILG, Human Settlements and Urban Development, DPWH, DOJ, chairperson ng MMDA, Administrator ng Local Water Utilities and Administration, Governor ng lalawigan ng Bataan; Governor ng Province of Bulacan; Governor ng Province of Pampanga; Governor ng Province of Cavite; Mayors of the cities and municipalities bordering Manila Bay; Commandant of the Philippine Coast Guard, at Director ng Philippine National Police-Maritime Group.
Matatandaan noong 2008, nag-isyu ng desisyon ang Korte Suprema na nagmamando sa MMDA sa pamamagitan ng mandamus na linisin at i-rehabilitate ang Manila Bay.
Nag-ugat ang kaso sa inihain ng mga residente ng Manila bay sa Regional Trial Court noong 1999 laban sa ilang ahensiya ng gobyerno kabilang ang petitioner na MMDA para linisin, irehabilitate at proteksiyonan ang Manila Bay.