Muling binuhay ng mga mambabatas ang panawagan para sa pampublikong paaralan sa sekondarya na magkaroon ng job placement centers para matulungan ang graduates na makapili ng career na angkop sa kanilang skills at preferences.
Isa na rito ang isinusulong sa Senado na Senate Bill 1689 o ang Trabaho (Job) Centers in Schools Act na inihain ni Senator Raffy Tulfo.
Sa ilalim ng Senate bill , dapat na panatilihin ng Trabaho centers na updated ang database sa mga bakanteng trabaho, job linkages at network opportunities, mangasiwa sa testing evaluation instruments, mag-organisa ng career enhancement training at coaching at umasiste sa mga estudyante sa pag-unawa ng resulta ng kanilang National Career Assessment Examination (NCAE), isang aptitude test para sa self-assessment, career awareness at career guidance ng junior high school student ng K-12 program.
Naghain din ng kaparehong panukalang batas sa House of Representatives noong nakalipas na taon si Laguna 1st District Rep. Ma. Rene Ann Lourdes Matibag para malinang pa ang employability ng high school graduates.
Kapwa hinihikayat din sa dalawang panukala ang higher education institutions at technical-vocational institutions na magtatag ng parehong Trabaho Centers na maghahanda sa kanilang mga estudyante sa pagpili ng kanilang tatahaking career na akma sa kanilang talento at kakayahan.