-- Advertisements --

I

image 338

Inaprubahan na ng Kamara de Representantes sa huling pagbasa ang panukala para taasan ang limit sa ginagastos sa pangangampaniya ng mga kandidato.

Ito ang House Bill 8370, kung saan nasa 268 mambabatas ang pumabor at isa naman ang nag-abstain.

Kung maging batas, papalitan nito ang mahigit tatlong dekada ng lumang batas upang payagan ang mga kandidato sa local at national elections na magdeklara ng mas mataas na halagang gagamitin para sa kanilang awtorisadong campaign expenses.

Sa ilalim kasi ng kasalukuyang batas o ang Republic Act 7166, ang mga kandidato ay limitado lamang na gumastos sa pagitan ng P3 hanggang P10 sa bawat rehistradong botante, bagay na kinuwestyon ng mga nagsusulong ng HB No. 8370 dahil obsolete na ang kasalukuyang batas at 32 taon na ang nakakalipas mula ng maisabatas ito noong Nobyembre pa ng taong 1991.

Subalit sa pamamagitan aniya ng panukalang batas, mahihimok ang mga kandidato na magsumite sa Commission on electiosn ng mas tama at makatotohanang halaga ng kanilang campaign expenditures sa pamamagitan ng pagtataas ng limit sa gitna na rin ng kasalukuyang mataas na presyo ng election-related materials at services.

Sa ilalim ng panulalang batas, itinaas ang campaign expenses cap para sa mga presidential candidates sa P50 kada botante habang sa VP candidates naman ay P40 cap.

Sa Senatorial, district representative, governor, vice governor, board member, mayor, vice mayor, councilor, and party-list representative candidates ay papayagan ang P30 cap para sa bawat botante.

Tinaasan din ang expense cap para sa political parties mula sa P5 sa P30 kada botante habang sa independent candidates naman ay mayroong P5 limit per voter.