-- Advertisements --

Isinusulong ni Davao City 1st District Representative Paolo Duterte at Benguet Representative Eric Yap ang panukalang batas na inaatasan ang gobyerno na bumili ng mga farm produce products mula sa mga lokal na magsasaka at magtayo ng mga palay drying facilities sa buong bansa.

Layon nito para matulungan ang mga local farmers na palakasin ang kanilang kita ng sa gayon makamit ng pamahalan ang matagal ng adhikain na makamit ang food security.

Inihain nina Duterte at YAp ang House Bill No. 3382 na naglalayong tiyakin na ang national at local government ay bibili ng pagkain para sa kanilang relief at school feeding programs mula sa mga lokal na magsasaka.

Ang HB 3383, naman ay naglalayong maglaan ng mga pondo para sa pagtatatag sa buong bansa ng mga modernong pasilidad sa pagpapatuyo ng palay na magagamit ng mga magsasaka nang libre.

Sinabi nina Duterte at Yap na ang kambal na hakbang na ito ay sumusuporta sa mga prayoridad na layunin ng gobyerno na pasiglahin ang sektor ng agrikultura ng bansa at labanan ang gutom, lalo na sa mga batang nasa paaralan.

Ayon kina Duterte at Yap nuong kasagsagan ng pandemya, ang mga magsasaka ang sumagip sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pagbaba ng kanilang mga presyo at namahagi ng kanilang ani nang libre sa mga lugar na isinailalim sa lockdown dahil sa Covid-19.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang halaga na kailangan para bilhin ang mga drying facility ay magmumula sa pondo ng Department of Agriculture, PAGCOR, PCSO at sa Malampaya Funds.