VIGAN CITY – Tumaas umano ang morale ng mga guro sa pampublikong paaralan sa bansa matapos lumabas ang mga balita na mayroong mga panukalang batas sa Senado na may kaugnayan sa kanilang hiling na dagdag-sahod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni ACT Teachers’ Partylist Rep. France Castro, natuwa umano sila dahil sa nasabing balita ngunit mas matutuwa pa umano sila, pati na ang mga guro kung ngayon pa lamang ay tapos na ang draft ng nasabing panukala.
Isa sa mga nagsusulong ng dagdag-sahod sa mga guro ay si Sen. Christopher “Bong” Go kung saan gusto nito na itaas ang entry level salary ng mga public school teachers.
Ayon kay Castro, inaasahan umano nila na ngayong linggo o hanggang bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nakabuo na si Go ng draft ng nasabing panukala.
Aniya, hindi umano sila titigil hangga’t hindi natutupad ang pangako ng nasabing senador lalo pa’t isa siya sa mga malalapit na kaibigan ni Pangulong Duterte.