Inaprubahan na ng House Committee on Information and Communications Technology ang panukalang “SIM Card Registration Act.”
Sa isinagawang pagdinig ng House committee on Information and communications pasado na ang “consolidated version” ng panukala maging ang committee report matapos na ilahad ng mga may-akda ang kanilang sponsorship speech.
Si House Deputy Speaker Aurelio Gonzales ang nagmosyon na i-consolidate ang mga House Bill na inihain ngayong 19th Congress, para sa SIM card registration bill.
Pero tinutulan ito ni Kabataan PL Rep. Raoul Manuel, dahil kailangan pa aniya ng mabusising pagtalakay sa panukala lalo sa usapin ng “privacy” at iba pang concerns o pag-aalinlangan.
Paliwanag naman ng chairman ng House Committee on Information and Communications Technology na si Navotas Rep. Toby Tiangco, aprubado na ang katulad na panukala noong 18th Congress at na-veto lamang ni dating Pang. Rodrigo Duterte. Ginamit din ng komite ang Rule 10, section 48 ng Kamara, para mapabilis ang pagpasa sa panukala.
Nagbotohan sa komite para sa consolidation ng House Bills, kung saan 1 lamang ang tumutol at mayorya ang bumotong pabor.
Kinalauna’y nagmosyon na si Rep. Fernando Cabredo na aprubahan ang panukala, kung saan mayorya ng mga miyembro ng komite ang bumoto pabor, at 1 ang kontra.
Ang mother bill ay ang House Bill ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na nauna nang nagsabi na makatutulong ito upang masawata ang mga indibidwal na mayroong masamang balakin at makilala ang mga scammer na gumagamit ng SIM card sa kanilang modus o panloloko, sa pamamagitan ng pagpaparehistro ng SIM cards.
Samantala, umaasa naman si Pasig City Rep. Roman Romulo na ikunsidera na rin ng Senado at aprubahan ang panukala.