KALIBO, Aklan—Binigyang diin ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go, chairman ng Senate Committee on Sports ang kaniyang panukalang batas na layong palakasin ang iba’t ibang programa at inisyatibo sa larangan ng sports upang mapalayo ang mga kabataan sa mga illegal na aktibidad at para maipatuloy na rin ang kampanya kontra sa illegal na droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang Senate Bill No. 423 o ang Philippine National Games (PNG) Act of 2022 ay layuning tiyakin ang sistema sa paghinang ng mga may potensyal na Filipino athletes sa iba’t ibang larangan ng laro.
Kaugnay nito, plano aniya ng senador na tayuan ng mga training court at playing venues sa loob mismo ng paaralaan para hindi na kailangang lumabas ang mga estudyante upang makahanap ng maensayuhan na lugar gayundin hindi makompromiso ang kanilang klase.
Dagdag pa ni Go na ang pagpapaunlad at pagpapalakas sa grassroots sports ay isang maayos na kasangkapan sa pagtaguyod ng kapakanan ng mga kabataan at pagkakataon aniya ito para sa lahat lalo na sa mga isinasabak sa mga internasyonal na kumpetisyon.
Si Go ay isa sa mga panauhing pandangal sa pinasinayaang municipal building ng lokal na pamahalaan ng Buruanga sa lalawigan ng Aklan na pinondohan ng P50 milyon mula sa naging inisyatibo ng nasabing senador.