Umalma ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa panukala na bawasan ang iskedyul ng trabaho ng mga manggagawa sa pribadong sektor dahil magreresulta lamang ito ng maliit na kita para sa mga empleyado.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hindi sila pabor dito dahil ang dapat aniyang minimum working hours ng mga empleyado ay 40 hours kung saan sa panukala ay gagawin na lamang na 35 oras.
Paliwanag ni Bello, kapag binawasan ang araw ng pagtratrabaho ng mga manggagawa ay mababawasan din ang ibabayad sa kanila.
Sinabi pa ng kalihim na kung hangarin lamang ng panukala na ma-decongest ang trapiko ay maari naman aniya itong makamit sa pamamagitan ng iba pang mga hakbang.
Puwede naman aniyang pumili para sa flexible work arrangement at work-from-home scheme.
Inaprubahan na sa ikalawang pagdinig sa Kamara ang nasabing panukala noong nakaraang linggo.