Tuluyan nang ibinasura ng House committee on legislative franchises ang panukalang gagawad sana sa ABS-CBN ng 25-taong prangkisa.
Sa botong 70 na Yes, 11 na No, 2 inhibit, at 1 abstain ay inaprubahan ng mga miyembro at ex-officio members ng komite ang resolusyon na nagsasabing hindi dapat bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Nabuo ang naturang desisyon matapos magdaos ng 12 araw na pagdinig ang komite katuwang ang House committe on good government and public accountability.
Kabilang sa mga issue na ipinukol sa ABS-CBN, na isa-isang tinalakay at hinimay sa mga nagdaang pagdinig ay ang citizenship ng kanilang chairman emeritus na si Gabby Lopez, pag-iisyu ng Philippine Depository Receipt sa mga dayuhan, political bias, hindi pagbabayad umano ng buwis at labor practices ng kompaniya.
Kahapon sa kanilang huling pagdinig, bumuo ang House committee on legislative franchises ng isang Technical Working Group (TWG) na siyang bumalangkas ng rekomendasyon na nagsilbing basehan sa naganap na botohan.
Ayon kay ni Deputy Speaker Pablo John Garcia, base sa consensus sa mga miyembro ng komite napagkasunduan na ibasura ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.