-- Advertisements --

Walang isasagawang all-senator caucus o pagpupulong hinggil sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong naka-break ang sesyon ng Kongreso. 

Ito ang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa pulong balitaan ng Senado. 

Magugunitang humiling ang minority bloc ng Senado kay Escudero ng all-senator caucus para pag-usapan ang mga plano sa nakaambang paglilitis laban kay Duterte.

Ayon kay Escudero, tumanggi ang ilang mga senador sa caucus dahil busy ang mga ito. 

“Tinanong ko yung iba, hindi naman din nila gusto at busy din. How can it be an all-senator caucus when some are travelling and some are abroad. And some are not available and some are not interested. And as I said, kahit anong gawin namin hangga’t walang sesyon wala naman kaming masisimulan,” ani Escudero.

Samantala, Inilatag na rin ni Escudero ang panukAlang calendar para sa impeachment trial laban kay VP sara. 

Sa pagbubukas muli ng sesyon sa Hunyo 2, ipiprisinta ng prosecutors ang articles of impeachment at aaprubahan din ang revised rules of procedure ng impeachment trial. 

Magco-convene naman sa Hunyo 3 ang Senado bilang impeachment court. At pagdating ng Hunyo 4 ay dito na  papanumpain ang mga incumbent Senator judges. 

Samantala, target na sa Hulyo 30 o pagkatapos na ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., simulan ang paglilitis laban kay VP Sara. 

Gayunpaman, naipabatid naman na ng liderato ng Senado ang timetable ng paglilitis sa mga kasamahan niyang senador. 

Inabisuhan na rin ni Escudero si House Speaker Ferdinand Martin Romuladez at ang nasasakdal na si VP Sara ukol sa ginagawang paghahanda ng Senado para sa impeachment trial. 

Ayon kay Escudero, ginawa nya ito bilang bahagi ng kaniyang tungkulin bilang enate president at magiging presiding officer ng impeachment court, — hindi dahil sa pressure o sa paratang na wala pang ginagawang aksyon ang senado sa impeachment laban kay VP Sara.