Welcome umano para sa Department of Tourism (DOT) ang panukalang pagkakaroon ng “COVID-19 passport” kung saan makikita ang record ng pasahero kung ito ba ay nakapagpabakuna na laban sa coronavirus.
Sa isang mensahe, sinabi ni DOT Sec. Bernadette Romulo-Puyat na pag-aaralan nila at ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang naturang mga mungkahi.
Ayon kay Puyat, mahalaga ang “COVID-19 passport” sa pagbuhay sa international travel dahil maipapanubalik nito ang tiwala at kumpiyansa ng publiko na bumiyaheng muli sa ibayong dagat kasabay ng pagsiguro sa bansang kanilang pupuntahan na nabakunahan sila kontra sa virus.
“The Department of Tourism supports initiatives to facilitate international cross border travel with stringent health and safety measures in place,” wika ni Romulo-Puyat.
“The proposals for a ‘COVID-19 passport’ is welcome and will be looked into by the DOT, together with the Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), as it will involve medical data on the vaccines and diplomatic agreements with other countries.”
Una rito, sa isang executive order na pirmado ng Pangulong Rodrigo Duterte, pinahihintulutan ang Food and Drug Administration na maglabas ng emergency use authorization para sa COVID-19 vaccine.
Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III, posibleng maturukan na ng COVID-19 vaccine ang mga Pilipino pagsapit ng Marso o Abril ng susunod na taon.