-- Advertisements --

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na magtataas sa excise tax rates ng mga nakakalasing na inumin, heated tobacco at vape products sa bansa.

Sa botong 184-3-1, inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 1206 o Act Amending the National Revenue Code of 1997.

Sa ilalim nito, itataas sa P6.60 ang excise tax ng alcoholic drinks, kumpara sa mandatong tax ng Republic Act 10351 o Excise Tax Reform Law on Tobacco and Alcohol.

Kapag naging ganap na batas, simula sa January 2020 magkakaroon ng “ad valorem rate” na 22-percent ang alcoholic products, kabilang na ang specific tax rates per proof liter ng P30, P35, P40, P45 hanggang 2023 para sa mga distilled spirits. Tataas pa ito ng 5-percent kada taon simula 2024.

Sa kasalukuyang batas mayroong P22.40 specific tax at ad valorem tax na 20 percent ang mga alak.

Kaugnay nito, inaprubahan din ang P650 unitary rate para sa mga sparkling wines.

Samantala, itinaas sa P2.10 ang buwis sa mga stilled at carbonated wines, habang ang may alcohol content na mas mataas sa 14 percent ay may P4.10 na pagtaas.

Ang inaprubahang tax rate naman para sa fermented liquors ay tinaas sa P2.60.

Sa kabilang dako, ang sin tax sa mga heated tobacco products ay magkakaroon ng P45 na pagtaas ng buwis sa kada pakete ng sigarilyo pagsapit ng January 1, 2020 at tataas ito ng limang piso bawat taon hanggang 2023.

Mula naman 2024 ay itataas ito ng 5-porsyento kada taon.

Bukod sa heated tobacco, papatawan na rin ng buwis ang vape o e-cigarettes products.

Sa ilalim ng panukala, simula January 1, 2020 ay papatawan ng P10 tax ang 10ml na individual cartridge, refill, pod o container ng vapor products.

Kung lalagpas naman ito sa 50ml ay papatawan naman ng P50 na buwis at karagdagan pang P10 kada additional 10ml.