VIGAN CITY – Nakukulangan ang isang grupo ng mga guro sa pagsasabi lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte na titingnan nito ang posibleng pagtaas ng sahod ng mga guro sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist Rep. France Castro, sinabi nito na dapat umanong magbigay ng kongkretong araw o time frame si Pangulong Duterte kung kailan maipapatupad ang dagdag-sahod sa mga guro.
Dagdag pa ni Castro na bagama’t nakakagaan umano ng loob ang sinabi ng Pangulo, sana ay pagtuunan nito ng pansin at tuparin nito ang kaniyang pangako sa mga gurong nagsasakripisyo para sa bayan.
Nagtatampo rin ang kongresista na tila parang hindi pinapansin daw ng gobyerno ang kahalagahan ng mga guro dahil kung ang mga pulis at sundalo ang humiling na madagdagan ang kanilang sahod ay kaagad na hinahanapan ito ng pondo ng budget department.