Nais ngayong ipursige ni Senate committee on local government chairman Sen. Francis Tolentino ang pagsasabatas ng nakabinbing Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act para makalikha ng Department of Disaster Resilience.
Ayon kay Tolentino sa panayam ng Bombo Radyo, nakikita nila ngayon ang malaking pangangailangan para sa isang ahensyang agad na tutugon sa mga panahon ng kalamidad.
Bagama’t kontento ang senador sa trabaho ng mga ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mas mainam pa rin umanong may direktang tanggapan na mangangasiwa sa paghahanda, hanggang sa pagbangon ng mga naapektuhan ng sama ng panahon, lindol at iba pa.
“Napapanahon po ito para mapabilis ang response ng gobyerno sa mga kababayan nating nasasalanta,” wika ni Tolentino.
Sa kasalukuyan, libu-libo ang nasa evacuation area, tents at bahay ng kanilang mga kaanak sa Mindanao dahil sa mga nasirang bahay dulot ng 6.6 magnitude na lindol kahapon.
Sa ngayon pito na ang unofficial death toll at maraming iba pa ang nasaktan.