BUTUAN CITY – Tuloy na sa darating na Setyembre 2 ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa kontrobersyal na pagpapalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) sa 2,000 mga convicted criminals gamit ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, chairman ng komite, may inimbita na silang mga resource persons kung saan kasama na rito sina Justice Sec. Menardo Guevarra, Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon pati na ang mga kinatawan ng mga pamilyang biktima ng malagim na krimen ang kani-kanilang mga kaanak gaya nga pamilya Sarmenta, Chiong at Gomez.
Bukas ding imbitahan ng komite ang mga kaanak ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez kung gusto nilang dumalo.
Ngayon pa lang, nakita na ng senador ang mga problemang hatid ng nasabing isyu dahil sa maling pagpapatupad nito ng Bureau of Corrections.
Kahit umano na hindi malinaw ang interpretasyon nito ngunit maiintindihan dito na hindi maaring papalayin ang mga presong nahatulan na ng habambuhay na pagkabilanggo.
Kaugnay nito’y naghain na ang senador ng panukalang mag-oobliga sa BuCor na ipatupad ang digitalization sa records ng mga preso hindi lang sa National Bilibid Prison kondi pati na sa mga kulungan sa mga kanayunan.
Aminado ang senador na sa record-keeping nagkulang dahil pinabayaan lang ang BuCor na gagawa ng kanilang hakbang.