LEGAZPI CITY – Kinumpirma ni Legazpi City Mayor Noel Rosal sa Bombo Radyo Legazpi na nakagawa na ng resolusyon upang iapela ang pagpapalawig pa ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa lungsod hanggang Mayo 15.
Nakausap na rin umano ni Rosal si Department of Health (DOH)-Bicol Director Dr. Ernie Vera na siya ring namumuno sa local Inter-Agency Task Force Against COVID-19.
Aminado si Rosal na hindi nalalayo na buong Albay pa ang mag-extend sa ECQ lalo pa’t Legazpi ang kabisera nito at karamihan sa mga tanggapan ay nasa siyudad.
Tahasang sinabi ng alkalde na hindi pa handa ang lungsod sa pagsailalim sa General Community Quarantine at marami pang kailangang pag-aralan sa hakbang.
Samantala batay pa sa latest data ng DOH Bicol, umakyat na sa 38 ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa Bicol matapos ang tatlong panibagong kaso sa Albay.
Kinabibilangan ito ng isang health worker at punong barangay sa Legazpi habang isang medical secretary sa isang private clinic sa Ligao City ang isa pang kaso.