Inihain ngayon sa mababang kapulungan ang panukalang batas para sa pagbibigay ng financial assistance sa widowers at widows upang matulongan sila sa counseling maging sa ang pagdadalamhati, sakit at financial loss sa mga unang buwan ng pagkawala ng kinakasama.
Ang House bill 7795 na inihain ni CIBAC Party-List Rep. Bro Eddie Villanueva ay naglalayong mabigyang suporta ang mga widowers at widows sa pinakamahirap na parte ng kanilang buhay kung saan prone ang mga ito sa pag gawa ng maling desisyon na magdudulot pa ng problema.
Ayon pa sa mambabatas, ito raw ay lubos na makatutulong sa bawat pamilya lalong lalo na sa indigents.
Minamandato ng panukalang batas na ito na bigyan ng financial support ang widower/widow na kapantay ng minimum wage rate kung saan ito nakatira sa loob ng tatlong buwan.
Makukuha ang assistance sa pamamagitan ng pagprepresenta ng residential at indigent certificate na ibinigay ng barangay o ng LGU, kasama rin ang marriage certificate at death certificate ng namatay na kinakasama.
Kinakailangan na ang residential certificate ay magpapatunay na magkasama ang mag asawa noong namatay ang kinakasama nito.
Dagdag pa rito, ang social worker mula sa barangay ay magbibigay rin ng counseling.
Ang DSWD katuwang ang DILG ay aatasan rin ng panukalang ito na maglatag ng implementing rules and regulations kapag ang panukalang ito ay maisabatas.