-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Malay ang pagnanais ni Aklan second district congressman Teodorico Haresco na gawing lungsod ang bayan ng Malay na siyang may hurisdiksyon sa isla ng Boracay.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, inihain na ni Cong. Haresco sa Kongreso ang House Bill (HB) No. 9282 na naglalayong ma-convert bilang component city ang munisipalidad ng Malay.

Kumpiyansa si Mayor Bautista na maisusulong ang naturang conversion dahil kwalipikado aniya ang kanilang bayan upang maging lungsod.

Sakaling mabigyan ng katuparan ay magreresulta sa pagkakaroon ng dagdag na Internal Revenue Allotment (IRA) para sa mga proyekto sa higit pang pag-unlad at karagdagang serbisyo para sa kanilang mga mamamayan.

Maliban sa cityhood, naka-pending rin sa Kongreso ang panukalang batas para sa pagbuo ng Boracay Island Development Authority na siyang mamamahala sa isla.