Binigyang diin ng Metropolitan Manila Develoment Authority na ang panukalang i-exempt ang mga senior citizen sa number coding scheme ay nangangailangan pa ng karagdagang pag-aaral.
Ito ang tugon ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes sa mga mungkahi ng ilang mambabatas sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means na isama ang mga senior citizen sa number-coding scheme exemption.
Ayon kay Artes, nais muna nilang malaman ang iba pang detalye ng panukala dahil maramin rin aniya silang natatanggap para sa nasabing exemption.
Dagdag niya na kailangan ding pag-aralan nang mabuti kung ano ang magiging epekto ng panukala.
Ipinaliwanag din ng MMDA chief na kung ang mga nakatatanda ay nabigyan ng exemption, maaaring humiling din ang mga taong may kapansanan na hindi isama sa coding scheme.
Una na rito, ang tanging mga sasakyan na kasalukuyang exempted sa number coding scheme ay ang mga pampublikong sasakyan, transport network vehicles, motorsiklo, marked government vehicles, garbage trucks, fire trucks, ambulances, at mga sasakyang may dalang perishable o essential goods.