Hindi sang-ayon ang Commission on Elections (Comelec) sa suhestiyon kaugnay sa hybrid poll system para sa 2025 midterm elections.
Paliwanag ni Comelec chairperson George Erwin Garcia na masasagasaan nito ang batas na Election Automation Law na nagmamandato sa automated method para sa pagdaraos ng halalan.
Nakasaad din aniya sa ilalim ng naturang batas na automated election system ang gagamitin sa mga susunod na national at local elections at ang inilaan din aniyang pondo para sa susunod na halalan ay para lamang sa automated election.
Sinabi pa ni poll body chief na sa ilalim ng hybrid method, ilang araw pa ang aantayin para mabilang lahat ng mga boto.
Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos himukin ng poll watchdog na Kontra Daya nitong Huwebes ang Comelec na ikonsidera ang paggamit ng hybrid election system sa susunod na taon matapos na kwestyunin ang P17.9 billion poll automation contract sa South Korean firm na Miru Systems.