Nababahala si Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez kaugnay ng panukala ng ilang US senators na i-ban ang Philippine officials na nagpakulong kay Sen. Leila de Lima.
Ayon kay Romualdez, ang nasabing proposal nina US Senators Dick Durbin at Patrick Leahy ay hindi mainam lalo’t nahaharap si De Lima sa non-bailable drug charges.
Matatandaang nakulong ang senadora mula pa noong Pebrero 2017, matapos maglabas ng warrant of arrest ang Muntinlupa Regional Trial Court (RTC).
Ayon kay Romualdez, naniniwala siyang nananatiling maganda ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos, ngunit lubhang malabo ang nais ng ilang mambabatas sa Amerika na palayain ang isang taong may mga kinakaharap na kaso.
May umiiral din aniyang soberanya sa Pilipinas para sa paghawak ng mga ganitong usapin, nang hindi kailangan ang panghihimasok ng ibang bansa.
Samantala, sinabi naman ni Liberal Party (LP) vice president for external affairs Atty. Erin Tañada, na kung mangyayari ang panukala ng ilang US senators na i-ban sa Amerika ang mga nagpakulong kay De Lima, siguradong tatamaan ang mga mambabatas na mahilig magtungo sa gambling capital of the world, lalo na kapag may malalaking laban sa boxing.
Wala namang pinangalanan sa kaniyang statement ang LP official.