-- Advertisements --

Hindi inaksyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na layong i-renew ang prangkisa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at TV 5 Network Inc., sa loob ng 25 taon.

Sa halip, hinayaan na lamang ni Pangulong Duterte na mag-lapse into law ang mga panukalang batas na ito.

Sa ilalim ng Article 6 Section 27 ng Konstitusyon, magla-lapse into law o otomatikong magiging batas ang isang panukalang batas kung hindi ito aksyunan ng pangulo sa loob ng 30 araw sa oras na maisumite ito sa Office of the President (OP).

Sa kopya ng Republic Act No. 11319 para sa CBCP franchise at Republic Act 11320 ng TV5 Network Inc., nakalagay na parehas na nag-lapse into law ito sa petsang Abril 22, 2019.

Ibig sabihin nito, patuloy na magagamit ng CBCP at TV5 Network Inc. ang kanilang frequencies at channels para sa kanilang radio at television broadcasting, kabilang ang digital television at ano mang bagong teknolohiya na may kaugnayan dito.

Iniuutos naman ng batas na kumuha pa rin sila sa National Telecommunications Commission ng permit at lisensya sa operasyon ng kanilang broadcast facility.

Nakatakdang maging epektibo ang batas, 15 araw matapos ang official publication nito sa mga pangunahing pahayagan may national circulation.