Isa ng ganap ng batas ang panukalang ihinto ang paggamit ng mother tongue bilang wikang panturo sa Kindergarten hanggang ikatlong baitang.
Ito ay matapos na mag-lapse into law ang panukala dahil hindi ito nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., 30 araw mula ng matanggap ng kaniyang opisina.
Sa ilalim ng bagong batas o ang Republic Act 12027 (Act Discontinuing the Use of Mother Tongue as Medium of Instruction), ang wikang panturo ay ibabalik sa Pilipino at English habang ang mother tongue naman ay magsisilbing auxiliary media of instruction.
Nakasaad sa Section 2 ng batas, maaaring gamitin ang mother tongue-based multilingual education sa monolingual classes kalakip ang ilang mga requirement, tulad halimbawa ang monolingual class ay dapat na binubuo ng mga mag-aaral na may parehong mother tongue at naka-enrol sa parehong grade level sa naturang school year.
Ang Department of Education sa pakikipagkonsulta sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay dapat na bumalangkas ng language mapping policy sa loob ng isang taon mula ng maging epektibo ang batas.