-- Advertisements --

Welcome kay Philippine National Police (PNP) chief police dir. Gen. Ronald Dela Rosa ang panukala ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na i-realign ang P1.4 na bilyong budget ng PNP para sa war on drugs tungo sa PNP housing program.

Ayon kay Dela Rosa, humahanga siya kay Sen. Drilon sa kanyang iminungkahi at inaming magiging malaking pakinabang para kanila ang karagdagang pondo para sa pabahay.

Nagpasalamat si Dela Rosa sa senador na sa kabila ng kanyang pagiging kritiko ng war on drugs, ay iniisip pa rin daw ang kapakanan ng mga pulis.

Pero binigyang-diin ng PNP chief na mas pinapaboran niya ang panukala ng sponsor ng PNP budget na si Sen JV Ejercito.

Ipinanukala naman ni Ejercito na ang pondong nakalaan para sa war on drugs ay gamitin nalang para mapalakas ang anti-terrorism campaign ng PNP.

Ayon kay Dela Rosa, sa tingin niya ay mas importanteng bigyang prayoridad ang mas makakabenepisyo sa komunidad kaysa sa mga personal na pangangailangan ng mga pulis.

Mahalaga aniyang mapalakas ang anti-terrorism campaign dahil walang may gusto na maulit ang Marawi siege, pero ipauubaya nalang niya sa mga senador ang pagdedesisyon sa budget ng PNP.