Ikinatuwa at nagpasalamat si PNP Chief Oscar Albayalde kay Sen. Panfilo Lacson sa pagsulong nito ng House Bill 1898 na kung maipasa ay magbabalik ng kontrol sa pagsasanay ng mga pulis sa PNP.
Ayon kay Albayalde matagal nang kahilingan ng PNP na mapasailalim sa kanilang kontrol ang pagsasanay sa mga police recruits para sa simula palang ang masala na nila ang mga potential rogue cops at ma-instill ang disiplina sa mga bagong pulis.
Sa kasalukuyan, ang National Police Training Institute (NPTI) ng Police Public Safety College (PPSC) ang humahawak ng training ng mga police recruits.
Nasa 10,000 bagong pulis ang sinasanay taon-taon para palitan ang mga nagretiro sa serbisyo, at bilang bahagi ng pagpapalakas ng puwersa.
Kamakailan ay sinabi ng PNP Chief na may problema sa recruitment at pagsasanay ng mga bagong pulis matapos na ma-involve sa sunod sunod na anomalya ang mga bagitong PO1.
Giit ni Albayalde na kung ang PNP na ang bahala sa training ng mga bagong pulis, at magloko parin ang mga ito, wala nang ibang masisisi kundi ang PNP.