-- Advertisements --

Lusot na ang panukalang batas na layong kanselahin ang mga pineke o iligal na pagkuha ng birth certificate ng mga foreign nationals.

Inaprubahan ng House Committee on Population and Family Relations nitong Miyerkules ang panukala subject to style na layong bumuo ng administrative process upang mabilis na kanselahin ang mga birth certificates na iligal na nakuha.

Ito ang House Bill (HB) No. 11117, o ang “Fraudulent Birth Certificate Cancellation Law,” kung saan target ang mga foreign nationals na may ugnayan sa illegal drug operations at sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ang nasabing panukala ay binuo matapos mabunyag sa House Quad Committee na nakakuha ng iligal na birth certificates ang mga foreign nationals lalo na ang mga Chinese.

Binigyang-diin ni Quad Comm co-chair Bienvenido “Benny” Abante Jr. ang kahalagahan ng nasabing panukala ng sa gayon hindi na ito mamayagpag.

Kumpiyansa si Abante na maisasabatas ang panukala bago nmatapos ang 19th Congress.

Batay sa ulat nasa 1,200 fraudulent birth certificates ang nadiskubri sa Davao del Sur.

Ang panukalang batas ay layong parusahan ang public officials at mga private individuals na sangkot sa iiligal na pagkuha ng birth certificates.

Ayon sa mga mambabatas ang nasabing pekeng dokumento ay nagbibigay daan sa mga banyaga na masangkot sa mga iligal na aktibidad.