Ganap ng isang batas ang panukalang batas na naglalayong gawing libre ang entrance examination ng mga kuwalipikadong estudyante sa mga pribadong higher educational institutions (HEIs) matapos itong mag-“lapse into law”.
Ang Republic Act No. 12006 o ‘Free College Entrance Examination Act’ ay isinulong ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. naglalayong pagaanin ang pagkakataon para maabot ang dekalidad na edukasyon sa kolehiyo ng mga kapos-palad ngunit matatalinong mga mag-aaral at hindi na sila sisingilin sa entrance examination fees at charges para sa college admission.
Sa ilalim ng naturang batas, lahat ng private HEIs ay inaatasang huwag nang singilin ng naturang fees at charges na sinisingil sa graduates at graduating student na nag-aaplay para sa college admission basta’t kuwalipikado ang mga ito.
Para maging kwalipikado, dapat na natural-born Filipino citizen; mula sa top 10% ng graduating class; mula sa pamilya na kahit pagsama-samahin ang kita ay hindi lagpas sa poverty threshold o walang kakayahang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan; dapat mag-aplay sa college entrance examination ng pribadong HEI sa bansa; at tiyaking kumpleto ang iba pang requirements ng mga pribadong HEI.
Matatandaan na noong Marso 2024, ang ‘Anti ‘No Permit, No Exam Policy’ Act’ (RA 11984) akda din ni Sen. Revilla din ay naging ganap na ring batas. Sa ilalim ng batas na ito, pinapayagan na ang mga disadvantaged student na makapag-take ng exam kahit may hindi pa nababayarang tuition at iba pang school fees.