Ganap ng batas ang panukalang lumilikha ng tatlong karagdagang Shari’a Judicial Districts at labindalawang Shari’a circuit courts sa buong bansa.
Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 120181 na nag-aamyenda sa Articles 138, 147, at 150 ng Presidential Decree No. 1083.
Bago ito, mayroon lamang limang Shari’a judicial districts sa ilalim ng PD No. 1083 na kinabibilangan ng unang distrito sa lalawigan ng Sulu; ikalawa sa Tawi-Tawi; ikatlo sa Basilan, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Dipolog, Pagadian, at mga lungsod ng Zamboanga; ikaapat sa Lanao del Norte, Lanao del Sur, Iligan, at Marawi; at ikalima sa Maguindanao, North Cotabato, Sultan Kudarat, at lungsod ng Cotabato.
Sa ilalim ng RA No. 120181, ang tatlong karagdagang Shari’a judicial districts ay ang ikaanim na distrito na sumasaklaw sa Bukidnon, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin, Cagayan de Oro City, at mga lalawigan sa Regions XI at XIII; ikapito sa mga lalawigan sa Regions VI, VII, at VIII; at ikawalong distrito sa Metro Manila, mga lalawigan sa Cordillera Administrative Region, Regions I, II, III, IV-A, V, at Mimaropa (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan) region.
Bunga nito, naging 63 na ang Shari’a circuit courts mula sa dating 51.
Nabatid na ang labindalawang bagong Shari’a circuit courts ay magsisilbi sa mga bagong itinatag na Shari’a Judicial Districts kung saan ang lima sa mga ito ay matatagpuan sa ikaanim na distrito, tatlo sa ikapito, at apat sa ikawalong Shari’a district.
Ang bagong batas na ito ay nilagdaan ni PBBM noong Agosto 12, 2024 at magkakabisa labinlimang araw matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagan na may general circulation.