-- Advertisements --

Isinusulong ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Joel Chua ang pagbuo ng isang panukalang batas na magre-regulate at titiyak sa wastong paggastos ng confidential funds.

Sa ikaapat na pagdinig ng komite ukol sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President, binigyang-diin ni Chua na naging malinaw sa imbestigasyon na madaling abusuhin ang naturang pondo kung masyadong maluwag ang mga panuntunan.

Panahon na aniya para palawakin ang auditing powers ng Commission on Audit sa confidential funds upang nausana ang verification ng aktuwal na paggasta nito at hindi lamang supporting documentation.

Ipinunto ni Chua na limitado lang ang COA sa pagberipika kung kumpleto ang dokumento at hindi na sumasailalim sa assessment ang authenticity.

Ang panukala ng kongresista ay nag-ugat sa umano’y nakababahalang “pattern” na naibunyag sa imbestigasyon ng komite.

Samantala, iginiit ng chairman ng komite na hindi pa rito nagtatapos ang kanilang pagsisiyasat dahil marami pang bubusisiin patungkol sa kwestyonableng confidential funds ng OVP at itataguyod ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng gobyerno.