Inaprubahan na ng House Committee on Welfare of Children sa pamumuno ni BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co, ang House Bill 10159, o ang panukalang Magna Carta of Children (MCC), na pinakakomprehensibong ligal na balangkas para sa mga karapatan ng mga bata, para sa proteksyon at kaunlaran.
Sa kanyang explanatory note sa panukala, inilarawan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pangunahing may-akda, ang MCC bilang komprehensibong children’s human rights law, na naglalayong isulong para sa lahat ng mga bata sa Pilipinas at mga batang Pilipino sa ‘recognition, protection, fulfillment and promotion’ ng kanilang mga karapatan, lalo na ang mga nabibilang sa mga marginalized sectors ng ating lipunan.
Sinabi ni Co na itinatampok sa panukalang MCC ang: 1) Paglikha ng Philippine Commission on Children, 2) pagtatalaga ng isang Ombudsman for Children sa ilalim ng Commission on Human Rights, 3) pagtatag ng mga children’s associations sa antas ng lokal at pambansa, 4) paglikha ng Philippine National Children’s Conference, at 5) pagsali ng mga bata sa pamamahala, kabilang na ang pagsali sa mga lokal na konseho, youth parliaments, at iba pang mga decision-making platforms.
Itinatakda sa MCC ang kasalukuyang pagsasabatas at inaayos ang mga probisyon alinsunod sa UNCRC, para protektahan ang mga karapatan ng mga bata.
Aprubado rin sa Komite ang mga sumusunod na panukala, batay sa istilo at mga amyenda: HBs 1950, 4574, 4799, 5459 at 10072, na nagtatalaga ng mga probisyon ng mga infant-friendly facilities sa mga ahensya ng pamahalaan at iba pang mga establisimyento.
Ayon sa pagkakasunod; HB 9403, na nagtatalaga ng mga baby changing facilities sa lahat ng mga palikuran sa mga pampublikong establisimyento at mga tanggapan ng pamahalaan, ni Rep. Lani Mercado-Revilla, at HB 9678, na nagtatalaga ng mga diaper-changing stations sa lahat ng mga pangunahing establisimyento at mga tanggapan ng pamahalaan, ni Rep. Ma. Victoria Co-Pilar.